Batay sa severe weather bulletin bandang 5:00 ng hapon, sinabi ng PAGASA na nakalabas ng bansa ang bagyo dakong 1:00 ng hapon.
Huli itong namataan sa layong 730 kilometers Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes bandang 4:00 ng hapon.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.
Binabagtas pa rin nito ang direksyong pa-Hilaga sa bilis na 40 kilometers per hour.
Samantala, huli namang namataan ang binabantayang low pressure area (LPA) sa 250 kilometers Kanlurang bahagi ng Dagupan City, Pangasinan dakong 4:00 ng hapon.
Babala ng PAGASA, lalakas pa ito at posibleng maging tropical depression sa susunod na 24 oras.
Sa mga susunod na oras, patuloy na iiral ang Southwest Monsoon na pinaigting ng Tropical Storm Enteng at LPA.
Magdadala ito ng monsoon rains sa Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Tarlac, Cavite, Batangas, at MIMAROPA.
Kalat-kalat na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Aklan, Antique, at nalalabing bahagi ng Luzon.
Nakataas ang gale warning sa seaboards ng Pangasinan, Zambales, Bataan, western coast ng Batangas, western coast ng Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island, at western coast ng Palawan kasama ang Calamian Islands (2.8 to 4.5 m); Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, at Isabela (2.8 to 4.0 m).