P17-M halaga ng ecstacy tablets, nasamsam sa Pampanga

Nagkasa ang mga otoridad ng controlled delivery operations sa Pampanga, Sabado ng gabi (August 8).

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Bureau of Customs – Port of Clark at PDEA Clark Interdiction Unit na may darating sa Pampanga na shipments mula sa Netherlands na naglalaman ng ecstacy.

Naka-consign ang shipment kay Joshua Bautista sa Guagua, Pampanga at kay Charmaine Valencia Bacani ng Lubao Pampanga.

Dito nag-ugat ang isinagawang operasyon, Sabado ng gabi.

Bandang 8:20 ng gabi, nasabat ng mga otoridad ang 5,000 ecstasy tablets malapit sa Petron Gasoline Station sa San Roque Dau, Lubao.

Tinatayang aabot sa P8.5 milyon ang estimated value nito.

Dakong 8:38 ng gabi naman, nakuha ng mga otoridad sa Morzan Hardware, Barangay San Roque Dau sa 1st Lubao ang 5,000 pang ecstasy tablets na nagkakahalaga rin ng P8.5 milyon.

Sa kabuuan, nasa 10,000 ecstasy tablets ang nasamsam ng mga otoridad na may estimated value na P17 milyon.

Naaresto naman ang mga suspek na sina Katrina Legaspi, 36-anyos; Joshua Bautista, 20-anyos; William Valencia, 41-anyos; Raphy Quiboloy, 30-anyos; Patrick Bagang, 35-anyos.

Magkakatuwang sa operasyon ang PDEA RO3, PDEA RO-4A, BOC – Port of Clark at PRO-3 Regional Drug Enforcement Unit (RDEU).

Read more...