Agarang pumunta sa pagamutan para magpasuri kung inaakala ninyong kayo ay nagkaroon ng exposure sa Middle East Respiratory Syndome o MERS virus. Ito ang payo ni Dr. Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng Department of Health o DOH.
Ang paalalang ito ay nakatuon lalo na sa mga nagmula o nagbiyahe sa mga bansa sa Gitnang Silangan gayundin ang mga nagmula sa South Korea.
Ang sintomas ng naturang virus ay katulad ng trangkaso na kalimitan ay may kasamang lagnat, ubo at pagbahing.
May referral system na umiiral sa mga pagamutan na direkta sa DOH ayon kay Lee Suy. “Pumunta kayo sa pampubliko o pribadong pagamutan. It’s up to their preference. Ang mahalaga ay ang magpatingin agad sa pagamutan,” ani Lee Suy.
Ang mga specimen sa mga suspected MERS cases ay agad na dadalhin sa Research Institure for Tropisal Medicine (RITM) sa lungsod ng Muntinlupa. Ang RITM ang pangunahing pagamutan na nakatuon sa pagtugon sa MERS cases.
Nilinaw naman ng DOH na hindi nila ipapayo ang ibayong paghihigpit sa mga Pilipino o dayuhan na magmumula sa mga bansang may mga kaso nan g MERS virus.
Kahapon, araw ng Lunes, kinumpirma ni Health Secretary Janette Garin ang unang kaso ng MERS virus sa Pilipinas sa pagpasok sa bansa ng isang 36-gulang na dayuhan na nagmula sa Dubai at dumaan sa Saudi Arabia.
Maliban sa naturang dayuhan, isa pang kasama nito ang under observation sa RITM. Nasa home quarantine din ang pitong iba pang nakasalamuha ng dayuhan.
Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang DOH sa 200 nakasabay na pasahero ng naturang dayuhan nang dumating ito sa bansa./Arlyn Dela Cruz
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.