Binabantayang LPA, nakalabas na ng bansa – PAGASA
Nakalabas na ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Benison Estareja na ang LPA ay nasa bahagi na ng West Philippine Sea at tuluyan nang papalayo patungong Vietnam.
Samantala, may isa pang namataang LPA ang weather bureau sa loob ng bansa.
Huli aniyang namataan ang LPA sa layong 530 kilometers Silangang bahagi ng Virac, Catanduanes bandang 3:00 ng hapon.
Mababa naman ang tsansa na lumakas ito at maging isang mahinang bagyo.
Ngunit babala ni Estareja, asahang magdadala ang LPA ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras.
Magiging maulap aniya ang kalangitan sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol, Aurora, Bulacan at Nueva Ecija, bahagi ng Visayas at Mindanao dulot ng trough ng LPA.
Maaari aniyang makaranas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na posibleng lumakas kapag nagkaroon ng thunderstorms.
Maliban dito, umiiral din ang weather system na Southwest Monsoon sa bansa.
Nakakaapekto aniya ang Southwest Monsoon sa Southern Luzon, western sections ng Southern Luzon at Visayas.
Ani Estareja, posibleng magkaroon pa rin ng Habagat at makapaekto sa iba pang parte ng Luzon at Visayas hanggang sa susunod na linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.