65 pang Filipino abroad, tinamaan ng COVID-19

Nadagdagan pa ng 65 ang mga napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang August 5, umakyat na sa 9,692 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 72 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 3,253 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Umakyat naman sa 5,737 ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, pito naman ang nadagdag sa mga pumanaw kung kaya 702 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,824 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,131 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 762 naman ang kaso sa Americas at 975 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...