Ayon kay House Dangerous Drugs Committee chairman Robert Ace Barbers na isa sa may-akda ng panukala, mali ang sinasabing hindi deterrent sa pagsawata sa mga krimen na may kaugnayan sa iligal na droga ang muling pagpapataw ng parusang kamatayan.
Wala aniya itong basehan lalo pa at iisang kaso lamang sa Pilipinas ang humantong sa death penalty at ang mga ito ay wala pang kaugnayan sa iligal na droga.
Sabi ni Barbers, madalas ang tinutukoy na datos para masabing hindi deterrent ang death penalty sa drug-related crimes ay mga pag-aaral sa ibang bansa at kultura.
Hindi rin aniya dapat maging balakid para sa gobyerno na huwag gawin ang nararapat at makabubuti sa mga mamamayan kahit pa aminado siyang may mga butas sa justice system ng bansa.
Bukod dito, hindi rin aniya dapat magpatali ang Pilipinas sa mga international commitment nito dahil pinapahintulutan naman ng Saligang Batas ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Sinabi naman ni Bishop turned-lawmaker at House Minority Leader Bienvenido Abante na hindi immoral ang pagpapataw ng parusang kamatayan sapagkat ang Diyos ang siyang nagtatag nito para sa ikabubuti ng tao.
Iginiit ni Abante na ang panukalang batas na dapat “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ang pagpapanagot sa mga nagkasala dahil paano naman aniya ang mga naagrabiyadong indibidwal, lalo na iyong mga binawian ng buhay bunsod ng nagawang krimen.
Para naman kay Commission on Human Rights commissioner Karen Dumpit, malaki ang epekto sa ekonomiya at pakikitungo ng bansa sakaling ituloy ang reimposistion ng death penalty dahil sa mga paglabag sa maraming international agreements at obligations.
Mayroong 11 panukala sa Mababang Kapulungan para sa pagbabalik ng parusang-bitay.