DOLE nakiramay sa mga naulila ng 2 Filipino sa Beirut bombing
Naglabas na ang Department of Labor and Employment o DOLE ng mensahe ng pakikiramay sa mga naulila ng dalawang overseas Filipino workers na kabilang sa mga nasawi sa nangyaring pambobomba sa Beirut, Lebanon.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ipinagdarasal din nila ang agarang paggaling ng walo pang Filipino na nasugatan sa insidente.
Aniya, ilan sa walo ay nasa kritikal pang kondisyon at lahat sila ay ginagamot sa iba’t ibang pagamutan sa Lebanon.
Naabisuhan na rin, ayon pa kay Bello, ang pamilya ng dalawang namatay at nagpahatid na sila ng paunang tulong.
Inaasikaso na rin ng kagawaran ang agarang pagpapabalik sa bansa ng dalawang bangkay gayundin ang mabilis na pagpapalabas ng mga benepisyo.
Ibinahagi din ng kalihim na 11 marinong Filipino ang hindi pa natatagpuan matapos ang insidente at sila ay nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Beirut para mahanap ang mga Filipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.