Las Piñas City Government, naglabas ng Executive Order sa ilalim ng MECQ

By Dona Dominguez-Cargullo August 05, 2020 - 10:59 AM

Las Piñas City FB Page

Nagpalabas ng Executive Order ang Las Piñas City Government na istriktong ipatutupad sa kanyang mga nasasakupan upang tugunan ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod, sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Inihayag ni Las Pinas City Vice Mayor April Aguilar-Nery, na isang quarantine pass lamang ang ibibigay ng nakakasakop na barangay sa bawat pamilya na layung limitahan ang kanilang kilos o galaw.

Ayon sa bise-alkalde, istrikto o mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask, physical distancing malimit na paghuhugas o pagsasanitize ng mga kamay at iba pang public healths at safety measures.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga residente na sundin ang mga umiiral na ordinansang panlungsod na may kaugnayan sa COVID-19 safety measures gaya ng curfew na mula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw, pagsusuot ng face mask, Anti-Loitering Ordinance at iba pang katulad na ordinansa na nagpapataw ng karampatang parusa at multa sa mga lalabag nito.

Ang mga pamilihang bayan at iba pang establisimiyento na pinayagang mag-operate sa loob ng kanilang barangay ay dapat na may wastong markers upang mabawasan ang close contact o pagdidikit-dikit.

Inatasan na ang Las Piñas City Police na mas paigitngin ang kanyang pagpapatrulya at information and educational campaign,gayundin ang mahigpit na implementasyon ng major at inner checkpoints, pagbabantay sa anim na public markets,20 barangays at mga payout centers para sa ikalawang yugto ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) national.

Dahil suspendido naman ang mass transportation sa ilalim ng MECQ,patuloy ang pagbibigay ng free rides o libreng sakay ng lokal na pamahalaan bilang tulong sa mga frontliners at mga residente ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi ni VM Aguilar-Nery na magdaragdag pa ng mas maraming free shuttle bus service upang tulungan at bigyan ng alternatibong masasakyan ang mga apektadong Las Pineros.

Pinayagan naman ang tricycle na pumasada basta sa kani-kanilang awtorisadong ruta o boundaries lamang ibig sabhin bawal bumiyahe sa kahabaan ng Alabang Zapote Road,at tanging isang pasahero lamang ang sakay nito at dapat nasusunod ang itinakdang health protocols sa kanilang terminal.

Nilinaw din ni VM Nery na pinapayagan ang motorsiklo at backriding kung ang ankas nito ay essential workers/APOR o Authorized Persons Outside Residence batay sa pagpapahintulot ng Joint Task Force Covid Shield.

Samantala, pinapayagan naman ng Las Piñas Government ang pagbili at pagbebenta ng mga produktong alak subalit istriktong ipinagbabawal ang inuman sa mga pampublikong lugar at tanging sa bahay lamang ito pinahihintulutan.

Batay naman sa IAFT guidelines, ang mga establisimiyentong pinayagang magbukas lamang ay ang hospital,pharmacy/drugstore, BPO (50% capacity), supermarket, convenience store, gasoline station, hardware, banks,restaurant (delivery lamang at walang dine-in) at malls (hardware, grocery, bookstore, baby care, pet store, department store, clothing, toy store).

Samantala sarado naman ang mga establisimiyento gaya ng parlor/ barbershop/ Sauna/ Massage at ibang katulad nito, gym, computer shop at amusement.

Kaugnay nito,muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga Las Piñeros na mag-ingat, panatilihin ang disiplina sa sarili at sumunod sa health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

 

 

TAGS: Las Piñas City, mecq guidelines, Las Piñas City, mecq guidelines

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.