Oras ng operasyon at mga tauhan pinadadagdagan sa SSS
Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Social Security System (SSS) na magdagdag ng mga tauhan, kagamitan at oras ng operasyon sa lahat ng mga branch nito sa buong bansa.
Ayon kay Rodriquez, ito ay para pabilisin ang proseso ng paglalabas ng pondo para sa mga kumukuha ng loans at iba pang benepisyo ngayong may pandemya.
Base sa House Resolution 1093, tinukoy ni Rodriguez na umulan o umaraw ay nagtitiis sa mahabang pila ang mga SSS members at retirees para lamang makapag-apply at makakuha ng loan, retirement, death, maternity at iba pang benepisyo para lamang makaagapay sa nararanasang health crisis.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kanyang distrito na may dalawang SSS branches kung saan alas 5:00 pa lamang ng umaga ay nakapila na ang mga tao at dahil kulang sa mga tauhan at computers ang mga branches ay napipilitan din ang mag ito na mag-extend ng office hours hanggang alas 7:00 ng gabi.
Nagreresulta aniya ang araw-araw na mahabang pila sa SSS sa kawalan ng physical distancing at ilan pang paglabag sa health protocols na mas lalong delikado sa publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.