400 COVID-19 safety marshals, itinalaga sa Maynila

Itinalaga ang aabot sa 400 Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) enforcers bilang COVID-19 safety marshals sa lungsod.

Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang deployment ng COVID-19 safety marshals sa bahagi ng Kartilya ng Katipunan, araw ng Martes (August 4).

Sinabi ng alkalde na aasiste ang COVID-19 safety marshals sa mga pulis at opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng health protocols sa kasagsagan ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

“Kayong lahat ay sanay sa kalsada. Araw-araw na ginawa ng Diyos marami na kayong nakitang makukulit, marami na rin kayong experience sa pakikiusap sa mga tao. Alam ko ang sinasaway niyo lang ay driver, pero simula sa araw na ito, ang sasawayin niyo na ay taumbayan,” pahayag ni Moreno.

Tutulong din aniya ang COVID-19 safety marshals sa PNP at Manila Police District (MPD) upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.

Paalala naman ni Moreno, “sasawayin natin ang mga hindi sumusunod sa batas, pero hindi natin kailangan maging mainitin ang ulo, hindi tayo kailangan maggagalit-galitan. Magagalit lang tayo kapag talagang may tiyak na kagaguhan, kawalanghiyaan, katalonggesan.”

“While you’re still in government, I want you to see the Manila Clock Tower as a symbol of hope for our city. Maging pamantayan natin. Hanggang nakatatag yan, hanggang nakatayo yan, may Pamahalang Lungsod na magmamalasakit sa kanyang mamamayan,” dagdag pa nito.

Read more...