Bilang ng mga Filipino abroad na tinamaan ng COVID-19, pumalo na sa 9,600
Nadagdagan pa ng 10 ang mga napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang August 4, umakyat na sa 9,607 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 71 na bansa at rehiyon.
Sa nasabing bilang, 3,233 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
Nasa 5,681 naman ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Samantala, 693 naman ang mga pumanaw na Filipino abroad dahil sa COVID-19.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,795 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 1,116 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 762 naman ang kaso sa Americas at 934 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.