Umaapela ang Palasyo ng Malakanyang sa publiko na huwag mag-panic buying.
Hirit ito ng Palasyo matapos isailalim sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal mula August 4 hanggang 18.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sapat ang suplay ng pagkain sa mga grocery at mga palengke.
“Well, mga kababayan, wala pong dahilan para po tayo ay mag panic buying. Unang una, ito pong pagsara natin muli, ito’y katugunan natin doon sa kahilingan ng ating mga frontliners na kinakailangan lang nila ng break. Ibig-sabihin po wala talaga tayong planong maglockdown. Ang ating supply po’y napakataas. Ang ating supply po ay nadeliver na po sa ating mga supermarkets anticipating na mas mataas po ang demands so mas marami po talagang stocks ang ating mga supermarkets,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na localized lockdown lang naman ang ipatutupad sa ilang lugar.
“Wag po kayo mag-alala. Kung natuloy po ang orihinal na plano, localized lockdowns lang po dapat ang nangyayari. Handa po ang mga supermarkets na magbenta para sa mas malaking demand. Hinay hinay lang po. No need to panic,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na ang MECQ ay tugon ng pamahalaan sa panawagan ng frontliners na magkaroon muna sila ng break dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“This is primarily to accede to the demand of the frontliners for a break. a time out. Pagsasamantalahan lang po ng gobyerno ang time out para mas mapaigting pa po yung ating testing, tracing and treatment,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.