MORE Power, namimiligrong bawian ng lisensya ng ERC

Nanganganib na bawiin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang provisional certificate of public convenience and necessity (CPCN) o ang temporary license na ipinagkaloob nila sa MORE Electric and Power Corporation sa Iloilo kasunod ng umano’y pagtatago nito ng mahahalagang impormasyon mula sa Komisyon nang magsagawa sila ng takeover sa power distribution system sa naturang lalawigan.

Sinabi ni Atty Estrella C. Elamparo, legal counsel ng Panay Electric Company (PECO), na sa kapakanan ng publiko, kailangang aksiyunan ng ERC ang nasabing usapin at magpatupad ng transition period kung saan ang operasyon ay pansamantalang ibabalik sa PECO hanggang mapatunayang handa na ang MORE na magsagawa ng maayos na operasyon.

Sa intervention-comment na isinampa ng PECO sa ERC kamakailan, ipinabatid nila sa ERC na ang MORE ay nagbigay ng maling impormasyon nang sabihin nila sa Komisyon na ang mga inangkin nilang pasilidad ng PECO nang magsawa sila ng corporate takeover ay ‘luma at sira-sira’ at binanggit pa ito bilang isa sa dahilan ng malawakang brownouts sa lungsod.

“Ito ay isang malinaw na palusot lamang ng MORE upang pagtakpan ang kanilang incompetence at kawalan ng experience na mag-operate ng distribution system. Ngayon ay nabubuko na sila dahil sa walang patid na power outages sa Iloilo City,” sabi ni Elamparo.

Binigyang-diin din ni Atty. Elamparo ang pagkakasunod-sunod ng pagtatago ng impormasyon ng MORE, kung saan inalalala niya na “sa pagkuha ng CPCN nito, itinago ng ERC ang pag-iral ng Addendum na ipinalabas ng Regional Trial Court ng Iloilo na nag-aatas na ang operasyon ng electric distribution facility ay dapat panatilihin sa PECO at dapat na magkaroon ng transition period.”

Dahil dito ay naniniwala ang PECO legal counsel na may malinaw na ‘pattern of misrepresentation o deception dito.’

Para pasinungalingan ang pahayag ng MORE na luma at sira-sirang distribution system, iginiit ng PECO na mismong ang Komisyon ang nagpasiya sa ERC Case No. 2018-008MC, na ang distribution system ng PECO ay maaasahan sa distribusyon ng koryente sa Ilonggo consumers, at ipinaliwanag na ang service interruption incidents na naitala ng PECO ay tuloy-tuloy na napananatili sa ‘acceptable level’ sa loob ng maraming taon at alinsunod sa kautusan na ipinalabas ng Komisyon.

“To say that PECO’s distribution system is old and dilapidated reeks of desperation to conceal the fact that MORE is completely incompetent and inexperienced to operate a distribution system and provide reliable electricity to the people of Iloilo City,” pagbibigay-diin ng PECO.

Ipinabatid pa sa ERC na hindi isinama ng MORE sa Compliance nito ang marami sa major outages na ipinost nito sa kanilang Facebook page at idineklara lamang ang kabuuang 114.77 total hours ng primary feeder level outages.

“That is deemed as another deceptive maneuver because the numbers declared by MORE to the regulators had been short of 296.91 hours compared to the actual total outages,” ayon pa sa PECO.

Tinukoy ang sariling datos ng MORE tulad ng ipinost nito sa kanilang Facebook page, inihayag ng PECO sa filing nito sa ERC ang 326 oras na power outages na dinanas ng Iloilo City consumers mula Pebrero 29 hanggang Hunyo 22 ngayong taon, o ang panahong ang MORE na ang power service provider sa lungsod.

Dagdag pa ng PECO, sa walang patid na power outages ay hindi maitatago ang ‘technical incompetence’ ng MORE, lalo na sa mahigit 10 oras na brownouts sa Mandurriao substation na nagsimula sa alas-9:59 ng gabi noong Hunyo 20 hanggang alas-8:48 ng umaga ng Hunyo 21.

Read more...