Makaraan ang ilang oras na talakayan sa Malacañang, inaprubahan na ni Pangulong Noynoy Aquino ang P3.002 bilyong pisong panukalang pambansang budget para sa 2016.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, mas mataas ito ng 15.2 percent kumpara sa 2015 National Appropriation at kumakatawan sa halos bente porsyento ng Gross Domestic Product ng bansa.
Tulad ng dati, ang Department of Education ang nakakuha ng pinakamalaking budget sa halagang P436.5 billion, pangalawa ang Department of Public Works and Highways na may P401.14 billion, pangatlo ang Department of National Defense na may P172 billion.
Sinundan ito ng Department of the Interior and Local Government, P156 billion, Department of Health (DoH) na may P128.5 billion, at Department of Social Welfare and Development, P107.6 billion.
Kaugnay nito, inutusan ni Pangulong Aquino ang lahat ng Cabinet members na paigtingin ang pagsisikap na kumpletuhin ang implementasyon ng mga programa, lalo na ng mga public infrastructure kasama ang rehabilitasyon ng naapektuhan ng bagyong Yolanda at iba pang lugar na biktima ng kalamidad gayundin ang pagpapalakas ng mga public institutions./ Alvin Barcelona
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.