Pacquiao kinasuhan dahil sa hindi pagbibigay ng balato

By Jimmy Tamayo February 27, 2016 - 11:33 AM

pacquiao
Inquirer file photo

Sinampahan ng reklamo ng isang waiter at part-time actor si Manny Pacquiao at ang CBS Network kaugnay sa laban ng Pinoy boxer kay Floyd Mayweather Jr. noong isang taon.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Gabriel Salvador na hindi siya binigyan ng parte sa kita ng tinaguriang “fight of the century” sa pagitan nina Pacquiao at Mayweather.

Sa panayam kay Salvador ng TMZ Sports, iginiit nito na siya ang nag-ayos ng pulong sa pagitan ng dalawang boksingero kaya natuloy ang laban.

Inayos umano niya ang pulong sa pagitan nina CBS executive Les Moonves at coach Freddie Roach na unang hakbang para maplantsa ang bakbakan ng dalawang sikat na boksingero.

Sa nasabing pulong, sinabi ni Salvador na pinangakuan siya ni Roach ng two percent na finder’s fee mula sa kikitain ng laban at sinabihan pa umano na “you will never have to work another day as a waiter in your life.”

Itinanggi naman ng Top Rank Promotions ang akusasyon ng actor/waiter na si Gabriel Salvador.

Tinawag ni Top Rank Promoter Bob Arum na “ridiculous” ang alegasyon ni Salvador at sinabing nangingikil lang ito sa kanila.

Ipinaliwanag ni Arum na dahil mahigit isang dekada na niyang kilala si CBS executive Les Moonves at sa kanyang bahay sila nag-usap para sa nasabing laban.

Ayon naman sa adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz, walang kinakausap si Salvador para makipag-negosasyon sa kontrobersyal na laban ng Pinoy boxer at ni Mayweather. Extortion lang aniya ang ginagawa ng waiter na sasampahan naman nila ng kaukulang kaso.

TAGS: Bob Arum, manny pacquiao, Salvador Gabriel, TMZ, Top Ranks, Bob Arum, manny pacquiao, Salvador Gabriel, TMZ, Top Ranks

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.