Tropical Depression Dindo, posibleng maging Tropical Storm sa susunod na 24 oras – PAGASA
Inaasahang lalakas pa ang Tropical Depression Dindo sa susunod na 24 oras, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Samuel Duran na huling namataan ang bagyo sa layong 600 kilometers Silangang bahagi ng Basco, Batanes bandang 4:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Wala naman aniyang direktang epekto ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa at wala ring nakataas na tropical cyclone wind signal.
Sinabi ni Duran na posibleng tuluyang lumabas ng bansa ang bagyo sa araw ng Lunes.
Maliban dito, may isa pang bagyong binabantayan ang weather bureau sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Lumakas aniya ito at naging Tropical Storm na may international name na “Sinlaku.”
Huli itong namataan sa layong 1,180 kilometers Kanlurang bahagi ng Northern Luzon.
Aabot sa 65 kilometers per hour ang lakas ng bagyo malapit sa gitna at pagbugsong 80 kilometers per hour.
Palayo aniya ang bagyo dahil kumikilos ito sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Bunsod ng dalawang bagyo, sinabi ni Duran na nahahatak ang Southwest Monsoon na nagdudulot ng pag-ulan sa halos buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.