“Kapag dumating ang panahon na mayroon nang vaccine at gamot laban sa COVID-19, dapat handa tayo na mabigyan ang lahat ng Pilipinong nangangailangan nito, lalo na ang mga mahihirap,” Paliwanag ng mambabatas.
Batid ni Go, na may mga kaakibat na difficult decisions na kailangang gawin sakaling maging available na ang bakuna. Gayunman, iginiit nito na kailangan nang planuhin at asahan ang mga posibleng senaryo para matiyak na maging accessible ang bakuna sa higit na mga nangangailangan.
“Huwag sana pabayaan ang mga mahihirap. Paghandaan na natin ngayon palang. Magtabi na tayo ng budget para masigurong kakayanin ng gobyerno na matulungan ang mga mahihirap. Magkaroon po tayo ng plano kung saan dapat pantay-pantay at hindi lang ang mga may kaya sa buhay ang makakakuha,” giit niya.
Sa kanyang pinakahuling talumpati sa virtual launch ng pang-77th Malasakit Center sa Guimaras, sinabi rin ni Go, na pinag-uusapan na ang mga paghahanda ng health officials at finance managers para sa availability ng bakuna.
“Nagkausap po kami ni (Finance) Secretary Dominguez kahapon at gagawan na po nila ng paraan. Once available ‘yung vaccine ay handa po ‘yung gobyerno para bumili ng vaccine,” Sabi ni Go.
“Ako naman, I am urging government na magkaroon tayo ng vaccine program para unahin ‘yung mga mahihirap dahil alam ko once na available na ang vaccine na ito mag-uunahan na naman at ayaw ko po na mayroong magsamantala sa presyo. (Pagdating) sa availability at accessibility ng vaccine, ayaw ko po mahuli ‘yung mga mahihirap natin na mga kababayan na wala pong pambili ng vaccine. Dapat pantay-pantay,” Paliwanag niya.
Wala aniyang maiiwan o hindi makikinabang sakaling maging available na ang bakuna.
“In fact, unahin ‘yung mga mahihirap… sila po (ay) most vulnerable. Ibig ko sabihin, sila ‘yung andyan sa kalye at sila po ‘yung madaling tamaan ng sakit na kadalasan po asymptomatic na hindi nila alam ay tinamaan na sila ng virus dahil hindi sila makapag-test kaya napapabayaan,” Sabi ni Go.
“’Yun po ‘yung ayaw natin mangyari, unahin ang mahihirap sa vaccine at test dahil sila po ‘yung most vulnerable po dito,” pagdidiin pa nito.
Una nang umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na makiisa at magtiwala sa gobyerno dahil ipinatutupad na ang mga hakbang habang hinihintay ang bakuna sa COVID-19.
Sinabi ng Pangulo na malamang ay sa China unang kukuha ang Pilipinas ng bakuna sa COVID-19 habang umuusad ang developments ng iba’t-ibang bakuna.
Giit ng pangulo, “Ang mauna ‘yung walang-wala… tsaka ‘yung mga nasa hospital… ‘Yung pangalawa, middle income. Libre ito, hindi ko ito ipagbili….”
Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, tutulong ang Philippine International Trading Corporation (PITC) para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
“Wala tayong problema sa liquidity. May pera. Inflation is within target. We are the strongest currency in the region,” dagdag ni Dominguez, kasabay ang paggiit na kapag available na ang COVID-19 vaccines ay makakabalik na sa normal na pamumuhay ang mga Pinoy.