Nanawagan ang isang independent na grupo sa mga presidentiables na bigyan din ng pansin ang mga problema sa Mindanao.
Babala ng Third Party Monitoring Team (TPMT) na nagba-bantay sa peace process sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF), maaring mag-resulta ng “violent extremism” ang pagka-bulilyaso ng Bangsamoro Basic Law.
Matatandaang bigong maipasa ang BBL nang mag-adjourn ng session ang Kongreso noong February 3 para magbigay daan sa panahon ng kampanya.
Ayon kay TPMT chair Alistair MacDonald, alam niyang hindi ikararami ng boto ng mga kumakandidato sa mga national positions ang pagbibigay ng pakialam sa problema sa Mindanao, ngunit lubhang mahalaga ito sa mga taga-roon.
Nabatid ni MacDonald, na dating European Union ambassador to the Philippines, na kakarampot lamang ang nabanggit at napag-usapan ng mga kandidato kaugnay sa peace process, kaya’t dismayado ang kanilang grupo tungkol dito.
Malaki aniya ang maitutulong kung sasabihin ng mga kandidato sa publiko kung paano nila ipagpapatuloy at isasakatuparan ang peace process sakaling sila ang susunod na manunungkulan.
Sa kanilang annual public report, sinabi nila na mabuti pa nga ngayon dahil wala pang napakalaking marahas na reaksyon ang MILF sa hindi pagkaka-pasa ng BBL, hindi tulad noong 2008 kung saan nag-simula agad ang sagupaan nang ideklarang unconstitutional ang kasunduan sa pagitan ng grupo at ng Arroyo administration.
Gayunman, walang administrasyon ang makakapag-balewala ng mga naka-ambang epekto nito lalo na sa mga sibilyan na nadadamay sa mga gulo.
Ang TPMT ay isang grupong binuo ng pamahalaan at ng MILF para i-monitor ang implementasyon ng peace agreement.