LTC Marcelino, maglalabas ng ‘confidential info’ sa susunod na pag-dinig
Handang mag-lahad ng mga sensitibong impormasyon si Lt. Col. Ferdinand Marcelino tungkol sa kaniyang misyon umano sa bahay sa Maynila kung saan nasabat ang mahigit P380 milyong halaga ng iligal na droga noong nakaraang buwan.
Sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) kahapon, pinayagan na ni Senior Deputy Prosecutor Theodore Villanueva ang hiling ni Marcelino na magkaroon ng clarificatory hearing kung saan inimbitahang dumalo sina Justice Sec. Emmanuel Caparas, Prosecutor General Claro Arellano, National Bureau of Investigation (NBI) Director Virgillio Mendez at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) chief Arnold Quiapo.
Hiniling ito ni Marcelino sa pamamagitan ng abogadong si Dennis Manalo, dahil sa mga sensitibong at highly confidential na impormasyon na kaniyang ibabahagi na may kinalaman sa national security.
Para hindi ma-kompromiso ang confidentiality ng mga impormasyon, nais ni Marcelino na ilahad ang mga ito sa isang pribadong pag-dinig o walang anumang public disclosure, sa presensya ng kanilang mga inimbitahan.
Dito niya ipapaliwanag ng buo ang mga pangyayari at kung bakit sila naroon ng kasamang Chinese na si Yan Yi Shou sa shabu laboratory sa Felix Huertas Road, Sta. Cruz, Manila.
Iginiit kasi ni Marcelino na kapag basta lang niyang inilabas ang mga impormasyon, maari siyang makasuhan ng divulging confidential information sa ilalim ng Articles of War.
Nag-tanong na rin si Villanueva sa isang kinatawan ng Philippine Navy kung totoo nga ang sinasabi ni Marcelino, at kinumpirma naman ito ng kaniyang nakausap.
Bukod sa kahilingang ito, nagsumite rin si Marcelino ng liham ni Mendez kay Arellano, na may kopya rin si PDEA Director General Arturo Cacdac na nagku-kumpirma sa kaniyang mga ambag sa anti-drug operations ng NBI gamit ang kaniyang intelligence work.
Gaganapin sa March 7 ang executive session na hiniling ni Marcelino, at ito rin ang petsa kung kailan siya nakatakdang mag-sumite ng kaniyang rejoinder.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.