3 miyembro ng ASG naaresto sa serye ng operasyon ng NBI sa Metro Manila
Naaresto sa serye ng operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ang tatlong rebelde ay nadakip sa mga ginawang operasyon ng NBI Counter-Terrorism Division (NBI-CTD) sa pakikipag-ugnayan sa Special Action Force-Rapid Deployment Battalion ng Philippine National Police at counterparts mula sa Armed Forces of the Philippines.
Ayo kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor, una silang nakatanggap ng impormasyon na nasa Metro Manila ang mga ASG member na sangkot sa pagdukot sa anim na Christian religious sect sa Patikul, Sulu noong August 20, 2002.
Mayroon ding Order of Arrest laban sa tatlo para sa anim na bilang ng kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention with Ransom na nakabinbin sa Regional Trial Court Branch 271 ng Taguig City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Saudi Ausad alyas Erie at Ben Saudi, Ajvier Kuhutan alyas Javer at Jaber, at si Adzmi Kuhutan alyas Osein.
Nadakip si alyas Erie sa Sultan Kudarat Street, Maharlika, Taguig City at si alyas Jaber naman ay naaresto sa Sampaloc, Maynila.
Habang si alyas Osein ay naaresto nang magtungo ito sa NBI para kunin ang mga personal na gamit ng kaniyang kapatid na si Jaber.
Pansamantalang nasa NBI muna ang tatlo habang hinihintay ang paglilipat sa kanila sa Special Intensive Care Area (SICA), BJMP sa Taguig City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.