Bong Go umapela ng kooperasyon sa publiko; Panawagan ni Pang. Duterte na “Bayanihan ang susi laban sa COVID-19″ iginiit
Ang pagkakaisa ng mamamayan sa diwa ng bayanihan at kooperasyon sa gobyerno ang natatanging paraan para mapagtagumpayan ng bansa ang kasalukuyang krisis dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Iyan ang muling tinuran ni Senador Lawrence “Bong” Go, kasabay nang pakiusap sa taumbayan na magsama-sama sa paglaban sa pandemya.
“Nakikiusap po ako sa aking mga kababayan na patuloy tayong magtulungan at magbayanihan para malampasan natin ang krisis na kinakaharap natin ngayon dahil sa COVID-19,” saad ni Go.
“Tulad ng sinabi ng Pangulo, panahon ito para magtulungan at hindi maglamangan sa ating kapwa. Panahon ngayon ng pagkakaisa. Let us follow health protocols imposed and help each other by preventing infection and eventually helping this nation,” dagdag pa nito.
Sa kanyang ika-limang State Of the Nation address(SONA) na ginanap sa Batasan Pambansa noong Lunes, July 27 ay binanggit ng Pangulo ang mga hakbang na ipinatutupad ng gobyerno para tugunan ang mga hamon dulot ng umiiral na health crisis. Sabi ng Presidente, “Let me say that the strength of the nation rests in the hands of the people acting as one with the government.”
Idinagdag pa ni Duterte, nang tamaan ang bansa ng pandemya, “I decided to prioritize life over other considerations according to experts. Buhay muna bago lahat.”
Binanggit pa ni Duterte, dahil sa mga inilatag na hakbang ng gobyerno ay naiwasan na pumalo sa 1.3 hanggang 3.5 million ang bilang ng infections.
Bilang pinuno ng Senate Committee on Health, binigyang-diin ni Go na upang epektibong mapigilan ang lalo pang paglaganap ng pandemya ay muli siyang umaapela sa publiko na sundin ang lahat nang health and safety protocols.
Kamakailan ay nanawagan din siya sa gobyerno na higpitan pa ang pagpapatupad ng polisiya sa pagsusuot ng face mask.
Ang pagsusuot ng tama kasi aniya ng face mask ay makababawas ng panganib na mahawaan ng virus na dulot ng COVID-19 ng hanggang 85%.
“I am urging the government to enforce a stronger mask-wearing policy in the country. Let us make this a discipline among all Filipinos as we continue our fight to stop the spread of COVID-19,” saad dati ni Go.
“Kailangan nating sundin ang mga health protocols na iniimplement ng ating gobyerno. Magsuot po tayo ng tamang face mask, magsocial distancing po tayo at huwag po tayong lumabas kung hindi naman po kinakailangan,” Wika ng senador.
Sa kanyang SONA ay binigyang halaga ng Presidente ang patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan para palakasin ang kapabilidad ng bansa para suriin, hanapin at gamutin ang COVID-19 cases habang umaapela nang kooperasyon ng publiko para maging matagumpay at hindi masayang ang ipinang-tustos para dito.
Sabi ng Punong-ehekutibo sa kanyang talumpati, na mas marami nang accredited laboratories sa buong bansa. “We are aiming to conduct 1.4 million tests by end of July and ensure a quick turnaround time of test results with a maximum of 72 hours.”
kinilala rin ng Pangulo kung paano nakatulong ang Malasakit Centers habang umiiral ang health crisis.
“The Malasakit Centers have proven to be a great help to our less fortunate citizens… There are 75 centers serving Filipinos all over the country. They will be of great help in ensuring that people remain healthy and resilient during this time,” Wika ng Presidente.
Si Go, na siyang may-akda ng Malasakit center law ay aktibo namang mino-monitor ang operasyon ng Malasakit Centers sa maraming Ospital sa buong bansa.
“Marami na ang natulungan ng Malasakit Centers natin sa iba’t ibang hospital sa bansa lalo na ngayong nagka-pandemya tayo. Hindi tayo titigil sa pagpapatayo nito para lahat ng DOH-run hospital, at iba pang hospitals ay magkaroon nito. Para po ito sa lahat ng Pilipino. Pera ninyo po ito, ibinabalik lang sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong medikal,”saad ng Senador.
Sa kanyang talumpati sa SONA, ay sinabi rin ng Pangulo na nasubukan ang bunga na natamasa sa unang mga taon ng kanyang administrasyon nang tumama sa buong mundo ang pandemya.
“The global scale and socioeconomic impact of the COVID-19 pandemic has been unprecedented… Yet we were able to withstand the headwinds,” Ayo kay Pangulong Duterte.
Dagdag pa nito, nang dahil sa strong fiscal position, prudent fiscal management at robust banking system, “We are in a better position to weather… the pandemic.”
Inulit naman ito ni Go sa pagsasabing “If we all help each other, practice the spirit of bayanihan, we will definitely get through this pandemic altogether. No Filipino will be left behind.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.