3 patay sa pag-taob ng bangka sa Quezon

lamon bayHindi bababa sa tatlong pasahero ang nasawi sa pagka-lunod, habang 60 iba pa naman ang nai-salba matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa Lamon Bay sa may bayan ng Gumaca, Quezon province.

Pumalaot ang MB Lady Aime mula sa Gumaca port para ibyahe ang mga pasahero patungo sa bayan ng Quezon, bandang alas-3 ng hapon, Biyernes.

Ngunit ayon kay Chief Insp. Juan Byron Leogo, hepe ng Gumaca police, tumaob ang pampasaherong bangka alas-4:40 ng hapon, ilang kilometro ang layo mula sa pampang ng Brgy. Villabota.

Ani Leogo, oras na inalerto ang lokal na pulisya tungkol sa aksidente, bumuo agad sila ng rescue team na binubuo ng mga Philippine Coast Guard personnel, pulis at mangingisda at tumungo na sa pinangyarihan nito.

Na-rescue naman ng team ang 60 pasahero kabilang ang ilang mga bata, ngunit nalunod aniya ang tatlong babae na kinilalang sina Isabelita Monteverde Oliveros, Rosefel Oliveros at Susan Tajaro.

Dinala na ang kanilang mga bangkay sa isang punerarya sa Gumaca.

Read more...