P1-B sa Bayanihan 2 fund, malaking tulong sa TESDA – Sen. Villanueva

Joel Villanueva Facebook

Tiwala si Senator Joel Villanueva na malaking tulong sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho at sa mga umuwing OFWs ang P1 bilyon na nailaan sa TESDA mula sa Bayanihan Act 2.

Sinabi ni Villanueva na panahon na para tulungan ang mga manggagawa na makapagtrabaho sa ilalim ng ‘ new normal.’

“Mismo ang Pangulo na po ang nagsaad ng kahalagahan ng karagdagang training para sa ating mga manggagagawang nawalan ng trabaho. TESDA po ang pangunahing ahensya na makakatugon sa panawagan ng ating gobyerno kaya po hinihikayat natin ang pamunuan ng ahensya na ipakita ang kakayahan nito na sanayin at baguhin ang buhay ng mga manggagawa,” aniya.

Nabanggit nito na nagalaw ang higit P2 bilyong budget ng TESDA sa taong 2020 para sa mga programa ng gobyerno kontra COVID-19 at malaking bahagi ng pondo ay hinugot sa scholarship fund ng ahensiya.

Nais ng senador na mahikayat ng TESDA ang mga online seller na kumuha ng entrepreneurship courses sa ahensiya para sa paglago ng kanilang mga negosyo.

Read more...