Hinihimok ng Palasyo ng Malakanyang ang mga taga-oposisyon at maging ang iba pang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsumite ng magandang ideya kung paano matutugunan ang problema sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, puro puna lang kasi ang ginagawa ng mga kritiko sa halip na tumulong.
Ayon sa kalihim, kung may magandang ideya ang nga kritiko, mas makabubuting ilahad na ito para maikunsidera ng policy making body na inter-agency task force on emerging infectious diseases.
Lahat naman aniya ay pinakikinggan at ikinukunsidera ng administrasyon.
“Tingnan po natin, ano pong suhestiyon ninyo sa pamamagitan ng panukalang batas. Pero kung mayroon naman pong magandang ideya, bukas po kami, wala po kaming hindi pinakikinggan. Lahat po pinakikinggan pati iyong mga kritiko at ikinokonsidera po sa decision-making process,” ayon kay Roque.
Kabilang sa mga bumabatikos ngayon sa administrasyon si Senador Franklin Drilon kung saan sinabi nitong bigo ang administrasyon na tugunaan ng maayos ang problema sa COVID-19.
Pero ayon kay Roque, hindi totoo ang paratang ni Drilon dahil pinaigting na ngayon ng pamahalaan ang testing, treatment, tracing, isolation.