Umabot na sa halos walong milyong balota ang natapos iimprenta sa National Printing Office (NPO).
Ayon sa datos ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing bilang ay mahigit 11 percent pa lamang ng kabuuang 55 million official ballots na gagamitin sa darating na eleksyon.
Sa nasabing bilang ng mga balotang naimprenta, 3.8 percent pa lamang ang naisalang sa beripikasyon at nasubukan sa vote counting machines (VCMs).
Nilinaw naman ng komisyon na sadyang inuna ang pag-imprenta ng mga balotang para sa malalayong lugar.
Hindi umano dapat ikabahala ang zero printing status ng mga balota para sa mga lugar na malapit lamang sa Metro Manila.
Isa sa pangunahing dahilan ng printing arrangement ayon sa Comelec ay ang layo ng mga lugar na pagdadalhan ng official ballots.