Senado nagbukas na para sa 2nd regular session ng 18th Congress
Labingpitong senador ang physically present sa pamumuno ni Senate President Vicente Sotto III sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng 18th Congress.
Bukod kay Sotto, nasa Session Hall din sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Frank Drilon.
Gayundin sina Sens. Risa Hontiveros,Joel Villanueva, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Ramon Revilla Jr., Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, Pia Cayetano, Bong Go, at Bato dela Rosa.
Virtually present naman o nasa live video sina Sens. Francis Pangilinan, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Koko Pimentel, Dick Gordon, at Cynthia Villar.
Kapansin-pansin na ang mga lalaking senador ay pawang naka-barong tagalog, samantalang light colored din ang suot ng mga babaeng senador.
Si Angara ang nanguna sa pagdarasal.
Sa pagpasok ng mga senador sa Senado ay agad silang sumailalim sa swab test.
Naglagay din ng mga acrylic divider ang magkabilang gilid ng bawat mesa ng mga senador sa Session Hall bilang dagdag proteksyon at bukod sa pagsusuot ng mask ay may ilan din na nakasuot ng face shield.
Nagpasa na ng resolusyon para masabihan ang Mababang Kapulungan na bukas na ang sesyon ng Senado.
Itinalaga naman sina Gatchalian, Revilla Jr at Cayetano bilang notification committee para sabihan ang pamunuan ng Kamara kung sino sa mga senador ang dadalo sa isasagawang joint session mamaya kasabay nang pagbibigay ni Pangulong Duterte ng kanyang pang-limang SONA.
Walo lang sa mga senador ang pupunta sa Batasan Pambansa, sina Sotto, Zubiri, Go, Gatchalian, Revilla, Tolentino, dela Rosa at Cayetano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.