Korapsyon sa PhilHealth iimbestigahan sa Senado

Sa napaulat na pagbibitiw ng dalawang hanggang tatlong matataas na opisyal ng Philhealth, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na inihahanda na niya ang resolusyon para masilip muli ng senado ang isyu ng korapsyon sa ahensiya.

Ayon kay Lacson, matagal na rin nilang napapag-usapan ni Senate President Vicente Sotto III at ng majority bloc senators ang mga katiwalian at kapalpakan sa Philhealth.

Aniya ang sigawan na naganap sa virtual meeting ng mga matataas na opisyal ng Philhealth ay nag-ugat sa halos P1 bilyon halaga ng mga kuwestiyonableng transaksyon kasama na ang P98 milyon overprice procurement.

Nais ni Lacson na magkaroon ng Senate Committee of the Whole inquiry at aniya nagpahiwatig na si Sotto na mapapabilang ito sa priority agenda sa pagbubukas muli ng sesyon ng Senado sa susunod na linggo.

“The COVID-19 crisis makes it more disgusting and abominable. Needless to say, there is urgency that the Senate has to act on the matter immediately,” sabi ni Lacson.

Nabanggit ng senador na ang mga nabanggit na halaga ay base sa internal audit report ng Philhealth.

 

 

 

 

Read more...