Honasan, Binay hindi inimbita sa EDSA anniversary

 

Inquirer file photo

Mas pinili na lang ng tambalang Vice President Jejomar Binay at Sen. Gringo Honasan na mangampanya, sa halip na makidiwang sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power revolution kahapon.

Nasa Tiaong, Quezon kahapon ang mga pambato ng United Nationalist Alliance (UNA) para ligawan ang mga residente doon at makuha ang kanilang suporta sa halalan.

Nang tanungin si Binay kung bakit hindi sila dumalo sa EDSA anniversary, sinabi niya na wala na nga siyang natanggap na imbitasyon, wala pa siyang role sa pagdiriwang.

Aminado rin si Binay na dismayado siya na hindi man lamang kinikilala ang kaniyang aktibong partisipasyon noon sa EDSA, habang kung sino pa aniya ang wala sa mismong pangyayari noon ay siya pang nangunguna sa entablado.

Sa kanilang pagharap naman sa mga tao, sinabi ni Honasan na mas pinili nilang puntahan ang mga taga-Quezon, kaysa makihalu-bilo sa mga tao at grupong wala naman sa EDSA Revolution noong 1986.

Parehong may partisipasyon sina Binay at Honasan sa EDSA Revolution.

Si Binay noon ay isa sa mga human rights lawyers na lumaban sa dating diktador na si Ferdinand Marcos, habang si Honasan naman ay kilalang isa sa mga rebeldeng sundalo na bumuo ng Reform the Armed Forces Movement (RAM).

Read more...