KAPA founder Joel Apolinario, ilang buwang sinubaybayan – PNP
Ibinahagi ni Philippine National Police o PNP Chief General Archie Gamboa na noon pang Enero ay sinusubaybayan na nila si KAPA Community Ministry International founder Joel Apolinario.
Naaresto si Apolinario at ang kanyang 23 kasama sa isang island-resort sa Barangay Handamayan, Lingig sa Surigao del Sur, araw ng Martes, July 21.
Sinabi ni PRO 13 Dir. Brig. Gen. Joselito Esquivel na dalawa sa mga tauhan ni Apolinario ang napatay matapos makipagbarilan ang mga ito sa pulis.
Ayon pa kay Esquivel, nakarekober sila sa grupo ni Apolinario ng 30 M-16 rifles, dalawang M4 rifle, isang garand rifle, isang M60 light machinegun, isang Cal .50 sniper rifle, isang shotgun, limang .45 pistol, apat na light machinegun at mga bala.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte, sabi ni Gamboa, ang nag-utos ng paghahanap at pag-aresto kay Apolinario dahil sa kasong syndicated estafa.
Napaulat na ang KAPA ay isang religious organization at ang mga miyembro ay hinihimok na magbigay ng pera, na ang pangako ay magkakaroon ng 30 porsyentong interes kada buwan habambuhay.
Isang korte sa Bislig City ang nagpalabas na ng warrant of arrest para kay Apolinario sa pagpasok ng 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.