Pangulong Duterte sa PNP at LGUs: Arestuhin ang mga lumalabas ng walang face mask

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghigpit ang mga lokal na pamahalaan at ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng mandatory na pagsusuot ng face mask.

Dismayado ang pangulo sa performance ng ilang mga alkalde sa pagpapatupad ng mga alituntunin para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Sa pulong ni Pangulong Duterte sa IATF, ipinanukala nito sa Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatawag ang mga lokal na opisyal na kapos ang performance sa pagpapatupad ng quarantine restrictions.

Sinabi ng pangulo na ngayong may pandemya, maituturing na seryosong krimen ang hindi pagsusuot ng mask at hindi pagsunod sa iba pang quarantine restrictions.

Hindi aniya dapat mag-alala ang mga otoridad sa pag-aresto sa mga lumalabag.

Dapat ayon sa pangulo, arestuhin ang mga hindi nagsusuot ng face mask dahil kapag nadala sila sa presinto ay madadala o magkakaron ng leksyon ang mga ito.

Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na sa pulong nila kahapon ng umaga sa mga lokal na opisyal, marami ang napagkasunduan kabilang na ang gawing uniform o pare-pareho ang parusa sa mga lumalabag sa quarantine protocols.

 

 

Read more...