Panawagang mass testing suportado ng mga lider sa Kamara

Suportado ng ilang mga lider ng Kamara ang pahayag ng negosyanteng si Ramon Ang na kailangan ang COVID-19 mass testing para sa ekonomiya at mapanatili ang mga trabaho sa bansa.

Ayon kay House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Rep. Mike Defensor, habang wala pang bakuna laban sa COVID-19 ang mass testing lamang ang maaring gawin upang masiguro ang kaligtasan ng lahat lalo na sa mga work area.

Sabi ni Defensor, tama ang pahayag ni Ang na kailangang maging balanse ang kalusugan at ang ekonomiya.

Hindi anya nais ng pamahalaan na magkaroon ng covid-19 ang publiko pero hindi rin dapat hayaang mamatay ang mga ito sa gutom.

Sinabi naman ni House Committee on Dangerous Drugs at Surigao del Norte Rep. Robert “Ace’’ Barbers, kailangang palakasin ang mass testing gayundin ang pagpapatupad ng test, trace and treat.

Dapat anyang maging hudyat sa malalaking korporasyon ang inisyatibo ni Ang upang i-test ang kanilang mga empleyado maging ang pamilya ng mga ito.

 

 

Read more...