Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang July 19, nanatili sa 9,001 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 65 na bansa at rehiyon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na walang bagong nagpositibo sa COVID-19 na Filipino sa abroad sa buwan ng Hulyo.
Sa nasabing bilang, 3,046 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
5,321 pa rin ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Samantala, nanatili rin sa 634 ang pumanaw na Filipino abroad dahil sa COVID-19.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,483 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 1,070 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 698 naman ang kaso sa Americas at 771 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.