Mga kritiko ng Kamara sa pagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN muling binalikan ni Speaker Cayetano
Muling binatikos ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kritiko ng Kamara isang linggo matapos ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon ng broadcast giant na ABS-CBN para sa panibagong prangkisa.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Cayetano na walang chilling effect sa press freedom at sa mga mamamahayag ang nagging aksyon ng komite sa Kamara.
Sabi ng pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, wala naman naging problema sa pagpasa ng kanilang prangkisa ang GMA 7 at TV5.
Bukod dito, mas marami din anya siyang mga natatanggap na batikos mula sa radio station ng GMA na DZBB kumpara sa DZMM ng ABS-CBN.
Ani Cayetano, “To say that the ABS-CBN will have a chilling effect on journalists, on freedom of the press. E bakit ang Channel 5 on Channel 7, walang problema sa pagpasa ng prangkisa? In my case, mas maraming matinding tuligsa sa akin na nanggagaling sa DZBB kaysa sa DZMM.”
Paliwanag nito, magkaiba ang negative reporting at ang pagiging “kingslayer at kingmaker”.
Iginiit nito na hindi maaring maging partisan lalo na sa sa panahon ng eleksyon ang mga radio at television station dahil kasama ito sa election code at sa prangkisa ng mga ito.
“Sa print at sa social media, bahala kayo kasi karapatan niyo yan. Pero sa radio at TV, especially during times of election, kasama sa election code yan at kasama yan sa prangkisa nyo, you cannot be partisan. You can hit very hard but you cannot be a partisan,” dagdag ni Cayetano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.