Lockdown ipinatupad sa Caloocan City Medical Center-South sa loob ng 1 linggo; ilang nurse at medtech nagpositibo sa COVID-19
Sasailalim sa isang linggong lockdown ang Caloocan City Medical Center-South.
Ito ay makaraang ilang medical staff ng naturang pagamutan ang nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, isasara sa loob ng isang linggo ang CCMC kasama ang Emergency Room, mula 12:00 ng tanghali ngayong July 17 hanggang alas 12:00 ng tanghali ng July 23, upang magbigay-daan sa masusing decontamination.
Sinabi ng alkalde na naka-quarantine na ang mga nurse at medtech na nagpositibo sa virus at tuluy-tuloy ang isinasagawang contact tracing
Dagdag pa ni Malapitan, naabot na ng CCMC ang ‘overflowing capacity’ para sa mga pasyente ng COVID-19.
Hinimok ni Malapitan ang publiko na dalhin ang mga positibo o suspected COVID-19 patients sa ibang ospital para sa agarang lunas.
Bagaman pansamantalang sarado, patuloy namang bibigyan ng atensyong-medikal ang mga pasyenteng naka-admit na.
Patuloy din na magbibigay-serbisyo ang Out-Patient Department na matatagpuan sa Old City Hall Plaza at ang Caloocan City North Medical Center (CCNMC) ay mananatiling bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.