Paglabag sa human rights noong Martial Law hindi itinuturo sa paaralan
Kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba pananaw ng bagong henerasyon o mga kabataan at ng mga nakaranas ng diktadurya ni Ferdinand Marcos sa kahalagahan ng EDSA People Power Revolution, 30 taon na ang nakalilipas.
Mas madali kasi para sa mga nakaranas ng martial law na intindihin ang bigat ng mga nagawang paglabag sa mga karapatang pantao noong mga panahong iyon.
Ngunit, para sa mga kabataan ngayon na lumaki sa di hamak na mas komportableng lipunan, nagiging simpleng kwento na lamang para sa kanila ang hirap ng mga Pilipino para makamit ang kalayaan at demokrasya tatlong dekada na ang nagdaan.
Itinuturong dahilan ng historian na si Michael Charleston “Xiao” Chua ang mga aklat na ginagamit ng mga estudyante na halos hindi tinatalakay ang mga naganap na pang-aabuso noong panahon ni Marcos na dahilan ng pag-siklab ng 1986 EDSA Recolution.
Tanong ni Chua, paano maipapaliawanag sa mga estudyante na ang mga taong nagha-hamak bumangga kay Marcos noon ay dumanas ng karumal-dumal na pang-aabuso at pananakit, tulad ng pangunguryente, pagpapa-upo sa bloke ng yelo at iba pa.
At dahil aniya nahahapyawan lang ito o minsan ay hindi talaga ito isinasama sa mga aralin, napupunta lamang sa mga tagumpay ni Marcos ang diskusyon sa silid-aralan.
Kaya naman ani Chua, kapag itinuro sa mga bata ang EDSA People Power Revolution bilang isang mapayapang rebolusyon, nawawalan na ito ng saysay dahil hindi naman tinatalakay kung bakit kinailangang mauwi sa ganoon ang mga kaganapan.
Samantala ayon naman kay Department of Education (DEPED) Assistant Sec. Tonisito Umali, kasama sa K-12 program ang “historical narration of facts” tungkol sa martial law.
Pero giit niya, hindi itinuturo ng DEPED sa mga mag-aaral kung masama o mabuti ang dulot ng martial law, bagkus ay hinahayaan nilang ang mga bata ang makaisip ng kanilang sariling desisyon hinggil dito.
Ito ay sumasalamin sa sinabi rin noon ni Education Sec. Armin Luistro noong 2012, na kapag itinuro sa mga estudyante ang judgment o interpretasyon dito, hindi na ito maituturing na edukasyon.
Gayunman, para kay Chua, hindi dapat matakot ang mga guro na bigyang halaga, o ibahagi sa mga estudyante ang judgments tungkol dito.
Hindi aniya dapat matakot ang mga guro na ituro sa mga bata ang tungkol sa martial law, para alam rin ng mga bata kung ano ang gagawin sakaling ito ay mangyari sa kanila.
Tiniyak naman ni Umali na hindi nila hahayaang may malaktawan silang mga pangyayari noong idineklara ang martial law para magkaroon ng sariling interpretasyon ang mga kabataan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.