Pamamahagi ng ikalawang bugso ng SAP, tatapusin ng DSWD hanggang Hulyo
Tatapusin na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD hanggang sa katapusan ng Hulyo ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na
sa pamamagitan ng kombinasyon ng digital at direct payouts ay matatapos nila hanggang sa katapusan ng buwan ang SAP 2 distribution.
Aniya, aabot na sa 3.2 milyong benepisyaryo ang nabigyan ng ikalawang bugso ng cash assistance.
Gayunman, inamin nito na posibleng may ilang payouts ang ma-extend ang pagbibigay ng SAP hanggang sa Agosto dahil sa problema sa mobility, security, at iba pang health factors.
Paliwanag nito, may mga isla, munisipalidad, barangay at malalayong lugar na inaabot ng isa o dalawang araw bago marating.
Bukod dito, nakapagpabagal din sa distribusyon ang mga conflict-affected areas na nangangailangan muna ng koordinasyon at planning sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang matiyak na ligtas ang mga maghahatid ng ayuda at makakarating ito sa mga beneficiaries.
Nakaapekto din ang banta sa kalusugan ng COVID-19 dahil kinailangan din ng mga social workers na sumailalim sa 14-day quarantine sa oras na ma-expose sa isang positibo sa sakit.
Sa 18 million poor households na nakatanggap ng 1st tranche ng SAP, nasa 12 million lamang ang benepisyaryo sa SAP 2 kasama na dito ang 5 million na waitlisted beneficiaries.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.