Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila ang pangunahing magkakasa ng Oplan Kalinga o ang pagsundo sa mga COVID-19 positive na naka-home quarantine lang.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang kakatok sa mga bahay ay ang mga local health worker o ang mga tauhan ng Epidemiological Surveillance Unit.
Dagdag pa ng opisyal, hindi rin bahay-bahay ang gagawing pagkatok dahil aniya, alam naman ng local health units kung saan nakatira ang mga may taglay pa ng nakakamatay na sakit.
Pagdidiin ni Eleazar, sasamahan lang ng mga pulis ang mga health worker sa pagsundo at para na rin magbigay seguridad.
Itinanggi din nito na ‘anti poor’ ang programa bagkus aniya ay para ito sa mga mahihirap na hindi nakakasunod sa protocols, ang pagkakaroon ng sariling kuwarto, sariling palikuran at walang kasamang senior citizens, may sakit at buntis sa bahay.