2 kalsada, isasara sa EDSA anniversary

 

Inquirer file photo

Simula alas-12 ng hatinggabi ngayong Huwebes, February 25, hanggang ala-1 ng hapon mamaya, dalawang kalsada sa Metro Manila ang isasara para sa paggunita ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), ang nasabing dalawang kalsada ay ang White Plains Ave. sa Quezon City, at ang north bound lanes ng EDSA Santolan o iyong patungong Monumento, Caloocan.

Gayunman, mananatili namang bukas sa mga motorista ang eastbound at westbound lanes ng Ortigas Avenue.

Dahil dito, pinayuhan ni NCRPO Director Joel Pagdilao ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta para makaiwas sa abala.

Dagdag pa ni Pagdilao, magpapatuloy ang anti-criminality campaign at iba pang police operations sa araw na ito.

Tiniyak rin niyang magkakaroon ng mahigpit na obserbasyon ng human rights ang NCRPO at malapit na pakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensyang nakatalaga sa mga aktibidad sa gaganaping selebrasyon.

Kabilang sa mga partner agencies ng NCRPO ay ang EDSA People Power Commission, Metropolitan Manila Development Authority, National Disaster Risk Reduction Management Council, Office of Civil Defense, Joint Task Force-National Capital Regional, Philippine National Police-Highway Patrol Group, at ang Presidential Security Group.

Bukod kay Pangulong Aquino, may ilang mga foreign diplomats, mga bayani ng 1986 EDSA Revolution, mga lokal na opisyal at iba’t ibang mga mamamayan ang inaasahang dadalo sa pagdiriwang.

Read more...