Pumasok na rin sa eksena ang Comission on Human Rights kaugnay sa kinakaharap na diskwalipikasyon ni Senador Grace sa pampanguluhang halalan dahil sa kanyang citizenship at residency issues.
Dinidepensahan ng CHR si Poe partikular na ang citizenship ng mga pulot o ‘foundling’.
Ito ay batay sa 24 na pahinang memorandum na isinumite ng CHR sa pamamagitan nng kanilang abogadong si Francis Tom Temprosa sa Korte Suprema bilang ‘amicus curiae’ o friend of the court.
Kasabay nito, naghain din ang CHR ng motion for leave dahil hindi naman sila partido sa kaso at hindi naman nagtalaga ang Korte Suprema ng amicus curiae.
Ayon sa CHR, mayroong “erga omnes” o obligasyon sa lahat ang estado na maiwasan ang statelessness ng mga foundling at sila ay may likas na karapatan na magkaruon ng nationality pagkasilang pa lamang.
Nakasaad din sa memorandum na ang nationality ay karapatang pantao at ito ay nakapaloob sa ilang mga pandaigdigang tratado gaya ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights at Convention on the Rights of a Child.
Iginiit pa ng CHR na may obligasyon ang Pilipinas na irespeto, protektahan at tiyaking hindi napagkakaitan ang mga foundling ng karapatan sa nationality.
Mismong ang United Nations International Law Commission ang nagsabing obligasyon ng lahat ng mga estado na iwasan ang statelessness dahil ang right to nationali ay pangunahing karapatang pantao.
Ang obligasyong ito umano ng estado ay “self-executing” at kung oobligahin pa na magkaruon ng batas para dito, makokompromiso lamang ang karapatan ng mga foundling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.