Service contract sa PUVs, inihirit ni Sen. Hontiveros
Para madagdagan ang mga maaaring masakyan ng mamamayan, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na dapat gawin ng gobyerno ang service contracting sa sektor ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila at mga lugar na nasa general community quarantine.
“Patuloy ang pahirapang biyahe para sa ating mananakay, habang wala pa ring kita ang madaming driver. Hindi dapat yan ang ‘new normal.’ Government should engage the public transport sector via service contracting to enable the speedy and safe return of jeeps and buses to our streets,” sabi ng senadora.
Dapat aniya kontratahin ng gobyerno ang mga operator at driver ng mga bus, jeep at iba pang pampublikong sasakyan para magkaroon ng opsyon ang mga mananakay.
Paliwanag ni Hontiveros, sa contract service, kada kilometro ng biyahe ang bayad sa mga driver o operator, na aniya ay dapat naman siguraduhin na susunod sila sa health and safety protocols.
Sa ganitong paraan, tiyak na may regular na kita ang driver at operator bukod sa hindi na mahirap para sa mga pasahero ang paghahanap ng masasakyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.