May kanya-kanyang mapapait na alaalang ibinahagi ang ilang biktima ng mga pagpapahirap sa ilalim ng Marcos dictatorship sa pagugunita ng ika-tatlumpung taong anibersaryo ng mapayapang EDSA People Power Revolution.
Isa ang 63-anyos na si Roberto Verzola sa mga biktimang nakaranas ng matinding torture gamit ang isang field telephone na ginawang torture device ng mga tauhan ng Metropolitan Command o Metrocom noong 1974.
Bukod sa kuryenteng pinapadaloy s akanyang katawan mula sa field telephone, matinding suntok at gulpi rin ang kanyang inabot noong mga panahong iyon.
Sa kanyang kuwento na isinabay nito sa paglulunsad ng librong “Marcos Martial Law, Never Again” sinabi ni Verzola na napapasigaw siya sa matinding hirap sa kamay ng mga PC-Metrocom.
Sa pinakahuling pagtaya, nasa 3,257 ang napatay, samantalang nasa 40,000 naman ang tinorture at 60,000 ang ikinulong sa ilalim ng Marcos regime.
Hiling naman ni dating Senador Rene Saguisag, dapat humingi na ng patawad si Sen. Bongbong Marcos sa taumbayan.
Paliwanag ni Saguisag, dapat lahat ng mga miyembro ng pamilya Marcos ay humingi ng kapatawaran sa taumbayan dahil sa mga kasalanan ng kanilang ama.
Ang librong “Marcos Martial Law, Never Again” na isinulat ng premyadong political blogger at investigative journalist na si Raissa Robles ay nakatakdang ilabas sa publiko sa susunod na buwan.
Sa naturang libro mababasa ang kasaysayan ng mga karahasang naganap sa ilalim ng Marcos regime.