Ipinagpalibang licensure exam, dahilan ng kakulangan ng doktor at nurse sa mga ospital ng gobyerno
Aabot sa halos 6,000 mga doktor at nurse ang kailangan ng mga ospital ng gobyerno.
Sa pagdinig ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, sinabi ni Health Asst. Secretary Kenneth Ronquillo na kabuuang 5,521 na mga doktor at nurses ang kailangan sa mga ospital ng gobyerno para tugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
Paliwanag ni Ronquillo na ang pagpapaliban ng licensure examination ng Professional Regulatory Commission noong Marso at Hunyo ang dahilan ng mababang augmentation ng mga doctor at nurse.
Nagsagawa na aniya sila noong Abril ng emergency hiring ng mga medical professionals pero sa 882 na kailangang medical officers ay 344 lamang hanggang sa ngayon ang nag-apply sa mga ospital, treatment at temporary monitoring facilities ng pamahalaan.
Sakali mang matuloy ang licensure exam para sa mga physicians, midwives, nurses mula Setyembre hanggang Nobyembre sa taong 2020 ay pinaglalatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang PRC ng health standards na ipapatupad sa eksaminasyon.
Partikular na pinakokonsidera sa PRC ang epidemiological context, risk factor ng posibleng pagkalat ng virus at capacity and control measures.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.