Sen. Marcos sinisi ang Maynilad, Manila Water sa kawalan ng water security

Nangangamba na si Senator Imee Marcos sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam dahil kailangan na kailangan sa gitna ng nararanasang pandemiya ang tubig.

Puna nito, dahil sa paggamit ng tubig para sa personal hygiene at public sanitation, hindi naiibsan ng pag-ulan ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam, ang pangunahing pinagmumulan ng suplay ng tubig ng Metro Manila.

Mababa na sa 186 meters ang water level sa Angat Dam at ito ay 20 metro na mas mababa sa normal operating level na 205 meters at mababa rin sa 186 meters minimum operating level.

“We may hit the critical level of 160 meters by October, if the trend continues. Should we cut down on washing our hands and cleaning our surroundings to prevent water interruptions?,” tanong nito.

Sinisi niya ang Maynilad at Manila Water sa kawalan ng ‘water security’ dahil sa hindi natutupad ng dalawang water concessionaires ang mga kanilang mga obligasyon base sa napagkasunduan noong 1997.

Binanggit din nito ang desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon na nagsabing nilalabag din ng dalawang kompaniya ang Philippine Clean Water Act of 2004 dahil hindi nila nasusunod ang deadline sa paglalagay ng waste water treatment systems sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan.

Read more...