Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Arriola na paubos na ang assistance-to-nationals fund ng ahensya.
Sabi ni Arriola, posibleng sa kalagitnaan ng buwan ng Agosto ay maubos na ang kanilang assistance-to-nationals fund kaya kailangan na nilang magre-align.
Ipinag-utos na aniya ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na i-realign ang alokasyon para sa retrofitting ng kanilang gusali pero kulang pa rin aniya ito.
Mula Enero hanggang Hulyo 13, sinabi ni Arriola na mahigit P767 million na o 72.5 percent ng P1 billion na assistance-to-nationals fund na ang kanilang nagagamit.
Sa naturang halaga, higit P436 million ang ginamit para sa COVID-19 expenses, tulad na lamang ng repatriation, welfare assistance, medical assistance, at temporary accommodation sa mga distressed OFWs.
Sa ngayon, 82,057 na ang mga repatriated OFWs, kung saan 38,308 dito ang sea-based at 43,749 naman ang land-based.
Nanggaling ang mga ito sa 60 bansa at 132 cruise ships.