Dalawa pang ospital puno na ang COVID-19 wards
Dalawang ospital pa ang nagpa-abiso na puno na ang kanilang COVID-19 wards.
Sa Facebook page ng Our Lady of Lourdes Hospital sa Sta. Mesa, Maynila, sinabi ng pamunuan ng ospital na hanggang alas 7:00 ng gabi ng Lunes (July 13) ay naabot na ng kanilang COVID-19 ward ang full capacity.
Pinayuhan ang mga pasyente na kung sila ay COVID-19 probable patients ay sa ibang pagamutan na lamang magpunta.
Tiniyak naman ng Lourdes Hospital na magpapatuloy ang kanilang admission para sa ibang karamdaman.
Nag-abiso na rin ang Metro Antipolo Hospital and Medical Center sa Antipolo City na puno na rin ang kanilang COVID-19 ward.
Kahapon, tatlong malalaking ospital sa Metro Manila ang naglabas ng abiso na naabot na nila ang full bed capacity para sa COVID-19.
Kabilang dito ang St. Luke’s Medical Center sa BGC, Taguig at Quezon City ang Makati Medical Center at ang National Kidney Transplant Institute (NKTI).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.