BREAKING: Mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, pumalo na sa 57,000 na
Nadagdagan pa nang mahigit 800 ang bilang ng tinamaan ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Pilipinas.
Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa huling datos ng Department of Health (DOH) hanggang 4:00, Lunes ng hapon (July 13), umabot na sa 57,006 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.
Sa nasabing bilang, 35,036 ang aktibong kaso.
Sinabi ng kagawaran na 836 ang bagong napaulat na kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 749 ang “fresh cases” habang 87 ang “late cases.”
“Ang mga kasong iniulat natin ngayong araw ay mula po sa laboratory submissions ng 57 out of 82 licensed laboratories,” ani Vergeire.
Nasa 65 naman ang napaulat na nasawi.
Dahil dito, umakyat na sa 1,599 ang COVID-19 related deaths sa bansa.
Ayon pa sa DOH, 4,325 naman ang gumaling pa sa bansa.
“Sa mga datos po noong nakaraang araw, meron po tayong 282 na recoveries na nakita sa ating report. Maliban po dito, kabilang sa ating data reconciliation at validation efforts ang pagtala ng additional na 4,325 recoveries mula sa mga kasong na-report mula March hanggang May 31 na naitatalang walang sintomas o may mild symptoms,” pahayag pa ni Vergeire.
Dahil dito, umakyat na sa 20,371 ang total recoveries ng COVID-19 sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.