Johnson & Johnson pinagbabayad ng $72M sa pamilya ng babaeng nagka-cancer dahil sa pulbo
Inatasan ng Missouri state jury ang kumpanyang Johnson & Johnson (JNJ.N) na magbayad ng $72 million na danyos sa pamilya ng babaeng nasawi sa sakit na ovarian cancer.
Ang pagkakaroon ng cancer ni Jacqueline Fox, ay iniuugnay sa paggamit nito ng ilang deklada ng talc-based Baby Powder at Shower to Shower na produkto ng Johnson & Johnson.
Sa desisyon ng korte, ang danyos ay kinapapalooban ng $10 million na actual damages at $62 million na punitive damages.
Ayon sa korte, nabigo ang Johnson & Johnson na abisuhan ang kanilang mga consumers na ang talc-based products ay maaring makapagdulot ng sakit na cancer.
Si Fox na residente ng Birmingham, Alabama, ay gumamit umano ng Johnson’s Baby Powder at Johnson’s Shower to Shower bilang bahagi ng kaniyang feminine hygiene sa loob ng mahigit 35 taon.
Tatlong taon ang nakararaan nang ma-diagnosed si Fox sa sakit na ovarian cancer at nasawi ito noong Oktubre sa edad na 62.
Ayon sa mga hukom na humawak ng kaso, guilty sa fraud, negligence at conspiracy ang Johnson & Johnson.
Tumagal nang tatlong linggo ang paglilitis at umabot ng ilang oras ang deliberasyon ng mga hukom bago mailabas ang pasya.
Ayon kay Jere Beasley, abugado ng pamilya ni Fox, alam na ng Johnson & Johnson noon pang 1980s na maaring magdulot ng cancer ang pulbo, pero hindi nila ito ipinaalam sa publiko.
Sa pahayag naman ni Carol Goodrich, tagapagsalita ng Johnson & Johnson, dismayado sila sa pasya ng korte. Aniya, napatunayan na sa pamamagitan ng scientific studies na ligtas ang kanilang cosmetic talc.
Maliban sa isinampang kaso ng pamilya Fox, mayroon pang kahalintulad na kaso laban sa nasabing kumpanya sa Missouri state court na aabot sa 1000 kaso at 200 kaso naman sa New Jersey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.