Onsehan sa droga, motibo sa pagpatay sa Holy Spirit, QC
Nasawi ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakilalang suspek sa Fort Santiago Extension, Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Nakitang wala nang buhay sa harapan ng bahay na pag-aari ng isang Nory Cabacaba ang hindi pa rin nakikilalang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.
Ayon sa mga residente sa lugar, nakarinig sila ng habulan pasado alas 4:00 ng madaling araw na sinundan ng apat na putok ng baril.
Nang sila ay lumabas ng bahay nang magliwanag, nakita ang wala nang buhay na lalaki.
Posible umanong hindi residente ng lugar ang biktima dahil walang nakakakilala sa kaniya.
Hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay sa lalaki.
Nakasuot ng maong na shorts, kulay orange na damit at pulang sapatos ang lalaki.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.