75 porsyento ng mga Pinoy, pabor na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN – SWS
Nasa 75 porsyento ng mga Filipino ang pabor na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa resulta ng survey na 57 porsyento ang “strongly agree” habang 19 porsyento ang “somewhat agree.”
Nasa 10 porsyento naman ang “undecided,” limang porsyento ang “somewhat disagree,” at walong porsyento ang “strongly disagree” na ma-renew ang prangkisa para muling makapag-broadcast ng mga programa ang Tv network.
Batay din sa survey, lumabas na 56 porsyento ng mga Filipino ang naniniwalang malaking dagok sa kalayaan ng pamamahayag ang hindi pag-renew ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.
15 porsyento naman ang nagsabing “undecided,” 12 porsyento ang “somewhat disagree” at 15 porsyento ang “strongly disagree.”
Malakas ang suporta para sa ABS-CBN franchise renewal lalo na sa labas ng Metro Manila at iba pang rural areas.
Pinakamaraming pabor na ma-renew ang prangkisa ng TV network sa Mindanao na may 80 porsyento. Sumunod ang Visayas (77 porsyento), Balance Luzon (74 porsyento), at Metro Manila (69 porsyento).
Isinagawa ang survey interviews bago nagbotohan ang mga mambabatas noong July 10.
Ginawa ang probability-based survey sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interviewing (CATI) sa 1,555 adult Filipinos na may edad 18 pataas sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.