Tiniyak ni Senator Nancy Binay na kaisa siya ng mga nasaktan dahil sa desisyon ng Kamara na hindi na bigyan pa ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Aniya sana lang ay may plano ang mga namumuno sa gobyerno sa libo-libong manggagawa na mawawalan ng trabaho at ngayon ang panahon na higit kailangan ng mamamayan ang malasakit ng gobyerno.
Naniniwala siya na ang pangyayari ang higit na magpapatibay sa mga bumubuo ng TV network at hindi pa katapusan ng lahat.
“Sa pagpapahinga sa ere ng ABS-CBN, higit na kailangan ng taumbayan ang mas malakas na boses para gisingin ang mga nagtutulog-tulugan, at sigawan ang mga nagbibingi-bingihan. They may have shut down the cameras, but the people now see things brighter through many new lenses,” aniya.
Dagdag pa ni Binay, “sa ngayon, tinapos na po nila ang palabas. Inilabas na wala nang palabas. But consider everything as a pause or an intermission. Tulad ng radyo’t telebisyon, ipanalangin nating maibalik ang inyong mga paboritong programa makalipas itong malungkot na patalastas.”